Tagasalin: Marie Gail Bugnay
Para matugunan ang mga pandaigdigang isyu tulad ng pagbabago ng klima, mahalaga ang kamalayan ng publiko. Ang kamalayan sa pagbabago ng klima ay madalas na isinasaalang-alang bilang mahalaga sa suporta ng publiko para sa mga patakaran ng pagpapagaan at adaptasyon. Ang mga indibidwal na mas hantad at may kamalayan sa mga panganib ay maaaring magsimulang gawing normal ang mga ito upang makayanan ito sa sikolohikal na paraan. Ang pagbabago ng klima ay isang malubhang problema at ang kahihinatnan nito ay maliwanag (gaya na lamang ng pagkatunaw ng mga polar ice cap, pagbabanta sa mga hayop, pagtaas ng panganib ng baha at higit pa). Ang pagbabago ng klima ay hindi masyadong pinapansin sapagkat marami sa mga tao ang awtomatikong isinasangkot ito sa pandaigdigang isyu at hindi isang bagay na maaaring makaapekto sa kanila o maaaring umabot pa sa paniniwalang wala ito.
Pagdating sa pagbabago ng klima, ang kamalayan ng publiko ay nahuhuli sa pag-unlad ng siyensya. Hinihikayat nito ang pagtanggi at maling impormasyon na kumalat, at habang ang pagpaplano at patakaran ng pamahalaan ay isang pangunahing bahagi ng pagbabagong ito, hindi parin ito sapat. Ang kamalayan ng komunidad at impormasyon tungkol sa mga opsyon na magagamit upang harapin ang problema ay mahalaga, tulad ng pagbibigay kapangyarihan sa komunidad na kumilos. Ang susi sa isang matagumpay na plano sa pagbabago ng klima ay ang epektibong pakikipag-ugnayan sa publiko. Bilang resulta ng pagtaas ng siyentipikong ebidensya at mas malawak na saklaw ng midya, ang pagmamalasakit ng publiko, kamalayan at pag-unawa sa pagbabago ng klima ay tumaas, pagkaraan ng nasa mababang antas noong unang bahagi ng 1980s nang unang naging malawak na kinilala ang isyu (Boykoff at Yulsman, 2013). Sa pamamagitan ng pagtaas ng kamalayan at kaalaman ng publiko tungkol sa pagbabago ng klima, ang mga mamamayan ay maaaring mas makibahagi sa paggawa ng desisyon na nakakaapekto sa kamalayan at kaalaman ng komunidad. Bilang resulta ng pampublikong kamalayan, edukasyon at pakikilahok, maaaring mabago ang pag-uugali at asal ng publiko tungkol sa pagbabago ng klima.
Ang pag-init ng mundo ay hindi gaanong malala kung babawasan natin ang bakas ng karbon sa mundo. Ilan sa mga tao ang naniniwala na ang mga isyung pangkapaligiran ay masyadong malayo para pakialaman ng karaniwang tao. Gayunpaman, ang napiling pamumuhay ng isang indibidwal ay maaaring magkaroon din ng epekto sa kapaligiran. Ang mga isyu na kalapit ng pagbabago ng klima tulad ng polusyon sa hangin at kontaminasyon sa daluyan ng tubig ay maaaring madaig sa pamamagitan ng pagpukaw ng kamalayan sa mga suliraning pangkapaligiran. Sa pamamagitan ng mga simpleng pagkilos, ang mga mamamayan ay maaaring makinabang sa kapaligiran at labanan ang mga isyung ito. Ginagawa ang mga ito sa iba’t ibang paraan tulad ng Climate Crisis Film Festival (CCFF) na siyang unang climate action film festival sa UK. Ito ay nakatuon sa pagtulong sa mga programang pinamumunuan ng kabataan at mga pangunahing solusyon maging ang paggamit ng malikhaing paraan sa pagpukaw ng kamalayan sa mga isyu ng pagbabago ng klima sa buong mundo.
Maraming malakihang kampanya sa pagpukaw ng kamalayan sa pagbabago ng klima ang kinabibilangan ng pagpapagaan, kahusayan ng enerhiya at mga estratehiya sa pagpapanatili sa halip na mga estratehiya sa adaptasyon. Halimbawa, ang kampanyang You Control Climate Change (2006) ng Komisyon ng Europa ay nagpapaalam sa mga tao tungkol sa pagbabago ng klima, nagpasimula ng aktibong diyalogo at naghahangad na simulan ang (maliit) na mga pagbabago sa pag-uugali nang hindi naaapektuhan ang pang-araw-araw na buhay ng mga indibidwal sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pakiramdam ng kapangyarihan at personal na responsibilidad. Upang matugunan ang pag-aalinlangan ng target na grupo, sinisikap ng Komisyon na bawasan ang kanilang pag-aalinlangan at kumbinsihin sila na ang indibidwal na pagkilos ay makakatulong upang mabawasan ang pagbabago ng klima. Upang maisakatuparan ang layuning ito, ang Unyon ng Europa ay labis na namuhunan sa patalastas, isang website, mga eksibisyon, ugnayan sa midya, mga kaganapan at programa sa paaralan sa parehong pambansa at taga-Europa na antas.
Mga pakinabang ng pagpukaw ng kamalayan
Ang kamalayan ay nagdaragdag ng sigasig at suporta, nagtataguyod ng pagkilos sa sarili at aksyon. Ang papel na ginagampanan ng pagpukaw ng kamalayan sa adaptasyon sa pagbabago ng klima ay samakatuwid mahalaga sa pamamahala sa mga epekto ng pagbabago ng klima, pagpapahusay ng mga kakayahang umangkop, at pagbabawas ng pangkalahatang mga kahinaan. Ang layunin ng anumang kampanya sa pagbabago ng klima ay makamit ang mga pangmatagalang pagbabago sa pag-uugali na humahantong sa mga positibong epekto at ang mga ito ay nilikha sa pamamagitan ng pakikilahok ng publiko. Ang kamalayan ay pumupukaw sa pagkaalisto na humahantong sa pagkilos. Kapag naunawaan na ng indibidwal ang diwa ng isyu, maaari nilang suriin kung anong mga pagbabago sa kanilang normal na kagawian ang makakabuti sa kapaligiran. Nauunawaan ng indibidwal na iyon na maaaring magkaroon ng negatibong kahihinatnan ang ilang pagkilos at maaaring magtakda ng pagbabawas ng kanilang bakas ng karbon. Ito ay magtataguyod ng literasiya patungkol sa klima sa mga kabataan na tutulong sa kanila na baguhin ang kanilang mga saloobin at pag-uugali, at tutulungan silang umangkop sa mga epekto ng pag-init ng mundo.
Ano ang pumipigil sa isang indibidwal na umaksyon?
Ipinakita ng ilang pag-aaral na ang pag-unawa sa panganib ay nakakaimpluwensya sa suporta at pakikilahok ng publiko sa mga inisyatibo sa pagbabago ng klima (hal., Hagen et al., 2016). Gayunpaman, hindi masyadong marami ang pagbabago na naganap kahit na sa iba’t ibang diskarte sa kamalayan na ginamit. Posible na ang mas mataas na kamalayan sa pagbabago ng klima ay nauugnay sa mas mababang pag-unawa sa panganib dahil sa normalisasyon nito (Luis, et al. 2018). Ito ay isang pangyayari kung saan hindi na tinitingnan ng mga tao ang mga panganib bilang mga banta. Ang mga delikado/mapanganib na mga kaugalian o kondisyon ay naging katanggap-tanggap sa paglipas ng panahon bilang resulta ng unti-unting adaptasyon.
Isinasalin nito ang pag-unawa ng mga tao sa pagbabago ng klima. Ipinaliwanag ni Norgaard (2011) kung paano nabigo ang mga taong may alam tungkol sa pagbabago ng klima na kumilos ayon sa kaalamang iyon dahil sa kakulangan ng integrasyon ng sikolohikal, politikal o moral na implikasyon sa pang-araw-araw na buhay at panlipunang aksyon (implikatoryong pagtanggi) na naglalarawan ng lamat sa pagitan ng abstraktong konsepto ng pagbabago ng klima at ang kaugnayan nito sa pang-araw-araw na buhay. Tinalakay din niya kung paano alam ng mga tao ang tungkol sa pagbabago ng klima, ngunit binibigyan nila ito ng maling pakahulugan, halimbawa, iniisip nila na ito ay normal o hindi maging kasing sama gaya ng nakikita (interpretasyon na pagtanggi).
Ang pagbabago ng klima ay may malayong epekto para sa karamihan sa mga tao. Ang teorya ng antas ng pakahulugan ay nagmumungkahi na ang mga tao ay tumitingin sa mga bagay na sikolohikal na malayo sa kanila (sa oras, espasyo o panlipunang distansya) nang mas abstrakto kaysa sa mga bagay na sa tingin nila ay malapit (Trope at Liberman, 2010). Kadalasan, ang mga kalamidad na malamang ay nauugnay sa pagbabago ng klima (tulad ng napakalaking sunog o matinding bagyo) ay nangyayari malayo sa kung saan nakatira ang karamihan sa mga tao. Samakatuwid, karamihan sa mga tao ay hindi na kailangang makipagbuno sa mga detalye ng pagbabago ng klima ngunit sa halip ay maaaring tingnan ito bilang isang abstraktong konsepto. Ang mga tao ay hindi kumikilos ng pilit bilang tugon sa mga abstraktong konsepto (Trope at Liberman, 2010). Ang presyo ay isa pang hadlang. Maraming mga tao ang hindi kayang makabili ng makalikasang opsyon dahil sa mga hadlang sa pananalapi. Marami ring pagbabago sa pamumuhay ang magastos gaya ng pagbili ng de-kuryenteng sasakyan at ang presyo nito ay nagpahinto sa mga tao na baguhin ang kanilang sasakyan sa de-kuryente (BBC, 2021).
Sa kabila ng mga balakid, maraming paraan upang makatulong sa isyung ito. Sapat na ang simpleng pagpo-post tungkol sa pagbabago ng klima o paggamit ng internet upang maunawaan ang isyu. Hindi kailangan ang matinding pagbabago para magkaroon ng epekto. Ang mga maliliit na hakbang ay sapat na dahil ang bawat isa ay may kanya-kanyang hadlang sa pagtulong. Ang pagpukaw ng kamalayan ay mahusay na paraan upang makatulong at ang isang tao ay maaaring maging malikhain tungkol dito. Ang paggawa ng maikling bidyo o paglikha ng sining at pag-post nito online ay maaaring umabot sa milyun-milyong tao at sa gayon ang impormasyon ay dahan-dahang magsisimulang kumalat. Ang pagkakaroon ng access sa impormasyong iyon ay isang instrumento upang simulan ang positibong pagbabago.
Bibliograpiya
BBC (2021) Why are people not doing more about climate change?. BBC News. [online] 29 Mar. Available at: https://www.bbc.co.uk/news/uk-scotland-56500739 [Na-access noong ika-1 Pebrero, 2022].
Boykoff, M.T. and Yulsman, T., 2013. Political economy, media, and climate change: sinews of modern life. Wiley Interdisciplinary Reviews: Climate Change, 4(5), pp.359-371.
Hagen, B., Middel, A. and Pijawka, D., 2016. European climate change perceptions: Public support for mitigation and adaptation policies. Environmental Policy and Governance, 26(3), pp.170-183.
Lorenzoni, I., Nicholson-Cole, S. and Whitmarsh, L., 2007. Barriers perceived to engaging with climate change among the UK public and their policy implications. Global environmental change, 17(3-4), pp.445-459.
Luís, S., Vauclair, C.M. and Lima, M.L., 2018. Raising awareness of climate change causes? Cross-national evidence for the normalization of societal risk perception of climate change. Environmental Science & Policy, 80, pp.74-81.
Norgaard, K.M., 2011. Living in denial: Climate change, emotions, and everyday life. mit Press.#
Trope, Y. and Liberman, N., 2010. Construal-level theory of psychological distance. Psychological review, 117(2), p.440.